Kasama sa mga nakuha ng mga kinatawan ng DENR sa bahay ng pamilya Espinosa sa Sitio Tinago, Barangay Benolho, Albuera, Leyte ang 12 malilit na sawa, at tatlong malalaking sawa. Kabilang sa mga nakuhang sawa ang ilang reticulated python, yellow python, at green python.
Ayon sa mga awtoridad ay may dalawang sawa nang namatay matapos mapabayaan.
Ang mga ahas ay dadalhin ng DENR sa Regional Wildlife Rescue Center sa Palo, Leyte, kung saan sila ay papakainin at papatingnan sa beterinaryo. Ayon sa mga opisyal ay ilang araw nang hindi nakakain ang mga ito.
Napag-alaman ng ABS-CBN mula sa DENR na walang permit si Alkalde Rolando Espinosa Sr. o ang anak nitong si Kerwin upang mag-alaga ng ganitong uri ng hayop.
Ayon naman sa mga residente sa nasabing lugar ay natuwa sila na nakuha na mga sawa, dahil wala na ang kanilang pangangamba na baka makatakas ang mga ito.
Naiwan naman sa bahay ng mga Espinosa ang iba pa nilang alagang hayop, kabilang na ang tatlong aso at ilang manok na panabong. Ayon sa Philippine National Police ay nanakaw na ang ilan sa mga manok na alaga umano ni Kerwin.
Napabayaan ang mga hayop nang sumuko si Espinosa sa mga awtoridad matapos nito mapabilang sa listahan ng mga umanong "narco-politicos" sa bansa.
Ang anak nitong si Kerwin ay kasalukuyang nagtatago sa mga pulis.
SOURCE: ABS-CBN
Post a Comment