MANILA - Mariing pinabulaanan ni San Rafael, Bulacan Mayor Cipriano 'Goto' Violago na sangkot siya sa iligal na droga, matapos mapasama sa mga listahan ng mga umano'y tiwaling opisyal na inilabas ni Pangulong Duterte.
Sa panayam ng DZMM, inamin ni Violago na napaiyak siya nang malaman na kasama ang kanyang pangalan sa listahan ng Pangulo.
"Latang-lata po ako, iyung katawan ko po stressed na stressed. Iyung isip ko, ganoon din po. Hirap na hirap po ang loob ko," ani Vialogo.
Hinala ng alkalde, paninira lang sa kanya ang intelligence report na sinasabing kasama siya sa mga sangkot sa droga.
Hinala ng alkalde, paninira lang sa kanya ang intelligence report na sinasabing kasama siya sa mga sangkot sa droga.
"Baka iyung paninira noon, nai-ano sa intelligence report, umakyat sa ating kataas-taasang pulis. Hindi po siguro nila na-validate kung ginawa ko talaga iyung ganoong paratang sa akin."
Katunayan anya, mahigit 100 drug suspect ang kanyang naipakulong at nagbigay pa siya ng pabuya sa mga pulis sa kanyang unang termino.
Nasa 900 drug user at pusher din anya ang sumuko kamakailan sa San Rafael at isinasailalim sa rehabilitation program ng lokal na pamahalaan.
Nagtungo na si Violago sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) upang linisin ang kanyang pangalan.
Handa rin anya siyang humarap sa anuman imbestigasyon.
"Sana mabigyan ako ng pagkakataon ng ating Pangulong Duterte na makapagpaliwanag. Kung kinakailangang idaan nila ako sa proseso ng imbestigasyon, handa naman po akong humarap sa kanila," sabi ng alkalde.
Kaugnay nito, magpupunta rin ang alkalde sa Camp Crame ngayong Linggo. -- May mga ulat nina Ernie Manio, ABS-CBN News; Jeff Hernaez, DZMM
lang lang lang ba tlga.?
ReplyDelete